Dalawang indibidual kabilang ang isang pulis na sangkot sa paluwagan scam, naaresto ng mga awtoridad sa Tuguegarao
Naaresto ng Criminal Investigation and Detection Group-Regional Field Unit 2 at kapulisan ng Region 2 ang dalawang wanted person sa bisa ng warrant of arrest dahil sa kasong syndicated estafa sa Barangay Atulayan Norte, Tuguegarao City.
Naging matagumpay ang ikinasang manhunt operation ng mga awtoridad laban kina alyas “Rachelle,” 31-anyos, na may isang bilang ng kasong syndicated estafa, residente ng nabanggit na lugar, at alyas “Cecil,” 40-anyos, active member ng PNP, at may dalawang bilang na kaso ng syndicated estafa.
Si alyas “Rachelle” ay number 8 regional top most wanted person, habang si alyas “Cecil” ay number 10 top most wanted person.
Ang mga nasabing akusado ay sangkot sa “Benta slot paluwagan” o “turns turns.”
Ayon sa CIDG, ang benta slot paluwagan ay pinamumunuan umano nina Isabel Quizzagan at Virgilio Articulo Jr., habang nagsilbi naman nilang administrators/handlers sina Pauline Quizzagan Mabbun, Christine Joy Quilang Quizzagan, at Mariell Quilang Quizzagan, na patuloy na nagtatago sa batas at patuloy na tinutugis ng mga awtoridad.
Ang modus ng mga suspek ay nagpapatakbo at nangongolekta ng pera mula sa kanilang nahihikayat na customers at nagpapanggap na ang kanilang negosyo ay lehitimo.
Sa scam na ito, ay papangakuan ang mga biktima ng mataas na pay-out (return of investments) na may 50% hanggang 200% return of investment kada buwan depende sa mga slot na kanilang nabili, sa pamamagitan ng FB posting at personal meet-up sa kanilang tirahan.
Kaugnay nito, pinuri ni PRO2 Regional Director, PBGEN Antonio Marallag Jr. ang mga operatiba sa likod ng pagkakaaresto kina alyas Rachelle at Percy.
Nanawagan din siya sa publiko na ipagbigay-alam sa mg awtoridad kung may nalalaman sa kinaroroonan ng mga akusado na nagtatago sa batas upang mabigyan ng hustisya ang kanilang mga biktima.