TUGUEGARAO CITY- Nagsasagawa ng malalimang pagsisiyasat ang mga otoridad sa pananambang sa isang pulis sa bayan ng Cabagan, Isabela kaninang umaga.
Kinilala ang biktima na si PCpl Marnix Baquiran, residente ng Brgy. Camasi, Peñablanca, Cagayan at kasalukuyang nakatalaga sa Reina Mercedes Police Station.
Sinabi ni PMAJ Rey Lopez, Deputy Chief of Police ng PNP Cabagan, agad na rumesponde ang mga tauhan ng Cabagan Police Station sa pangunguna ng kanilang hepe na si PMAJ Rodante Albano nang matanggap ang tawag mula sa isang residente kaninang 8:30 ng umaga at ipinagbigay alam ang pamamaril.
Ayon sa kanya, nadatnan na lamang nila ang wala ng buhay na pulis na tadtad ng bala ng baril sa loob ng kanyang sasakyan na isang Toyota Fortuner sa kahabaan ng Barangay Ugad, Cabagan.
Sinabi ni Lopez na sa a inisyal na imbestigasyon, habang binabagtas ng biktima ang kahabaan ng bypass road patungong Brgy Ngarag, Cabagan, Isabela para pumasok na sa kanyang duty ay bigla umanong siyang pinagbabaril ng hindi pa nakikilang suspek na lulan ng SUV na kulay abo batay sa pahayag ng isang saksi na nakakita sa sasakyan ng suspect.
Ayon kay Lopez, 10 bala ang tumama sa katawan ng biktima habang 44 na basyo ng m16 rifle ang nakuha sa crime scene.
Idinagdag pa ni Lopez na wala pa silang alam na motibo sa pamamaril sa biktima dahil sa batay sa kanilang pagtatanong sa kanyang mga kasamahan sa PNP Reina Mercedes ay mabait naman umano siyang pulis at wala silang alam na ibang aktibidad nito.