TUGUEGARAO CITY- Isinailalim na sa inquest proceeding ang isang lalaki na nanuntok sa isang pulis sa Lasam, Cagayan.
Sinabi ni PMSgt. Ronnie Vidad, ang prosecutors na ang bahalang magpasiya kung tatanggapin ang kasong isasampa laban kay Bambie Cabrales, isang magsasaka matapos na suntukin sa ilong si PCMSgt. Robert Vega.
Ayon sa kanya, direct assault upon person in authority ang inihain nilang reklamo laban sa suspek.
Sinabi ni Vidad, bago ang insidente, nagkaroon ng gulo sa pagitan ng grupo ng suspek at isa pang grupo habang nag-iinuman sa public market sa Centro 2 kaya may tumawag sa mga pulis.
Naawat naman umano ang dalawang grupo at umalis ang suspek subalit bumalik siya na may mga kasama at muling nanggulo.
Dito na nagpakilala si Vega na isang pulis dahil sa hindi siya naka-uniporme dahil siya ang intelligence operative subalit sinuntok pa rin siya ng suspek sa ilong.
Sinabi ni Vidad na maayos naman na ang kalagayan ni Vega.