Hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala si Atty. Gerard Josef Tumaliauan Lucena na isa siya sa halos apat na libo na nakapasa sa 2022 bar exam.
Sinabi niya na bagamat may mga nagsabi na sa kanya na nakapasa siya ay hindi pa rin siya naniwala hanggat hindi niya nakita ang kanyang pangalan sa listahan ng mga bar passers na inilabas ng korte suprema.
Saad niya, naiyak siya sa tuwa dahil nagbunga ang kanyang mga pagsisikap sa pag-aaral at sa review hanggang sa pagkuha ng pagsusulit.
Ayon pa sa kanya, nag-focus siya ng husto sa halos tatlong buwan na review sa kabila na kung minsan ay hindi nasusunod ang schedule ng kanilang review.
Nakatulong din aniya sa kanya ang kanyang mga bar buddies o mga kaibigan na kasama niyang kumuha ng pagsusulit.
Sinabi ni Atty. Lucena na sa unang araw ng exam ay excited siya subalit pagsapit ng hapon ay nahirapan siya sa part 2 ng civil law dahil sa hindi niya inasahan ang mga tanong at pagsapit na ng ikatlong araw ng pagsusulit ay dito na niya naramdaman ang pagod at pressure.
Idinagdag pa nito na sa May 2 ang kanilang oath taking bago sila ganap na matawag na attorney at magiging miembro ng Integrated Bar of the Philippines.
Si Atty. Lucena ay nagtapos ng ng abogasya sa Cagayan State University College of Law.