Umani ng mga paghanga ang isang security guard ng Tuguegarao City Airport na si Gerard Dumrique na tubong Sto.Nino, Cagayan dahil sa kanyang katapatan.
Ito’y matapos niyang ibinalik ang naiwang bag sa waiting area na naglalaman ng pera na nagkakahalaga ng P24,000, alahas at mahahalagang dokumento.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Dumrique na bahagi ng paggampan ng kanyang trabaho ay ang pagiging matapat at hindi siya naghihintay ng kapalit.
Ayon kay Dumrique, halos 30 minuto na umanong naiwan ang nasabing bag dahilan upang magtanong ito kung sino ang nagmamay ari ngunit wala namang nakakaalam.
Pinuri naman siya ng mga netizen na nagsabing sana ay maging huwaran o kaya’y tularan siya ng kanyang mga kapwa frontliners.
Habang pinuri din siya ng kanyang detachment commander na si Mark Egipto ang katapatan ni Dumbrique kaya’t magsusumite ito ng incident report upang mabigyan ng pagpupugay at karangalan si Dumrique.
Nabatid na pag mamay-ari ng isang kidney patient na galing sa Metro Manila ang nagngangalang si Jenny Cauilan ng Barangay Sampaguita, Solana, Cagayan ang naturang bag.
Kuwento aniya ng may ari na dahil umano sa pagmamadali nitong umuwi ay nakalimutan niya ang kanyang bag.