Binaril ang isang self-confessed drug lord na si Rolan “Kerwin” Espinosa, habang nagtatalumpati sa campaign rally niya sa Barangay Tinag-an, Albuera, Leyte ngayong Huwebes, Abril 10, 2025.

Kinumpirma ito ni Albuera councilor aspirant Carl Kevin Batistis.

Ayon sa ulat ng Bombo Radyo, abala ang buong slate ni Espinosa sa pagtitipon sa isang covered court kasama ang mga residente nang biglaang umalingawngaw ang mga putok ng baril.

Agad isinugod sa Ormoc Doctors Hospital si Espinosa, pati na rin ang isang menor de edad na nadamay sa insidente.

Kasulukuyang iniimbestigahan ng Albuera PNP ang krimen at nagsasagawa na ng hot pursuit operation laban sa mga suspek.

-- ADVERTISEMENT --

Si Espinosa ay tumatakbo bilang mayor sa ilalim ng partidong Bando Espinosa-Pundok Kausaban (BE-PK), kalaban ang kasalukuyang alkalde na si Sixto Dela Victoria.

Kakapasok lang niya sa pulitika matapos mapalaya mula sa kulungan dahil sa pagkakabasura ng kaso laban sa kanya bunsod ng kakulangan ng ebidensya.

Matatandaang nasangkot si Espinosa sa kontrobersyal na drug list ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016, kung saan iniugnay siya at ang kanyang ama, si dating Albuera Mayor Rolando Espinosa Sr., sa ilegal na droga.

Napatay ang kanyang ama habang nakakulong sa Baybay City Jail matapos ang pagsuko nito sa pulisya.