Iginiit ni Senator JV Ejercito na dapat lamang matuloy ang paglilitis ng Senado sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte.

Paliwanag ni Ejercito, pabor man siya o hindi sa impeachment ay balewala ang anumang posisyon dahil responsibilidad nila sa Senado na mag-convene bilang impeachment court at dinggin na ang kaso.

Tiwala ang senador na matutuloy ang paglilitis dahil ito naman ang nasa Konstitusyon at kapag nasimulan na ay umaasa siyang makababalik agad sa normal ang Senado.

Tuloy rin aniya ang paghahanda ng Senado para sa impeachment.

Sinabi niya na sa usapin kung ito ay matutuloy sa 20th Congress, dedesisyunan pa rin ito ng susunod na Kongreso dahil pinakamataas na maituturing ang plenaryo.

-- ADVERTISEMENT --

Pinuna rin ni Ejercito ang umiikot ang draft resolution ni Senator Ronald dela Rosa na humihiling na ibasura ang impeachment.

Ayon sa kanya, hindi na dapat nagsasalita ang senador ukol sa impeachment dahil isa siya sa mga tatayong senator judge at para maiwasan ang pagdududa na mayroon silang kinikilingan.