Isang sundalo mula sa Kalinga ang isa sa tatlong sundalo na napatay sa labanan sa pagitan ng militar at mga pinaniniwalaang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Baco, Oriental Mindoro kahapon ng umaga.

Kinilala ang sundalo na si Corporal Charlie Lagasi ng Malin-awa, Tabuk City, Kalinga.

Ang dalawa namang kasama niyang namatay sa labanan ay sina Captain Marky John Alberto at Private Julian Oracion.

Batay sa report ng Philippine Army, kabilang ang tatlo sa tropa mula sa First Scout Ranger Regiment na nagsagawa ng combat operation sa Barangay Lantuyang 2, kasunod ng mga ulat ng presensiya ng armadong grupo sa lugar.

Nagresulta ang operasyon sa isang oras na labanan sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at armadong grupo.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kasamaang-palad, namatay ang tatlong sundalo at ilang sundalo din ang nasugatan.

Samantala, kinilala ng Philippine Army ang pagiging bayani ng mga namatay na sundalo at katapangan ng mga sugatan, kung saan sinabing ang katapangan ng mga ito ay lalo pang magpapatibay sa kampanya ng kanilang hanay laban sa terorismo sa bansa.