Iniimbestigahan ang 23 katao kasunod ng pagkamatay ng 22-anyos na bagong sundalo na bumagsak habang isinasagawa ang traditional reception activity at kalaunan ay namatay sa Maguindanao del Sur.
Sinabi ni Army spokesperson Col. Louie Dema-Ala, namatay si Private Charlie G. Patigayon habang kasalukuyan ang traditional reception activity sa headquarters ng isang kampo sa bayan ng Datu Piang noong July 30.
Ayon kay Dema-ala, dalawang opisyal na may ranggo na first at second lieutenants na kasama sa nasabing reception kabilang ang 21 iba pang personnel na may iba’t ibang ranggo ang isinasailalim sa imbestigasyon kaugnay sa pagkamatay ni Patigayon.
Sinabi pa ni Dema-ala na dalawang opisyal din ang sinibak sa kanilang puwesto.
Ayon sa opisyal, kung makumpirma sa imbestigasyon na may nagawang mali, papanagutin ang mga responsable sa ilalim ng military justice system at sa iba pang batas ng bansa.
Ayon naman kay Lt. Colonel Roden Orbon, spokesperson ng 6th Infantry Division na batay sa initial medical findings, namatay si Patigayon dahil sa kidney failure.
Nilinaw ni Orbon na walang indikasyon na nagkaroon ng pang-aabusong pisikal sa nasabing sundalo habang isinasagawa ang reception activity.
Ilang araw matapos ang insidente, binigyang-diin ni Col. Harold Cabunoc, dating Armed Forces of the Philippines public affairs office chief, hindi kailangan at pang-aabuso ang reception sa mga private.
Sinabi niya na ito ay nagreresulta sa injuries, demoralization, at pagkamatay.
Si Cabunoc ay advocate laban sa hazing sa militar.
Iginiit niya na sa halip na reception ceremonies, mas dapat na turuan ng battalion at company commanders ang private soldiers ng mahahalagang military skills, pangunahan ang outreach programs, financial literacy seminars, cultural sensitivity training for tribal communities, at maraming iba pa.