Kinumpirma ng 5th Infantry Division, Philippine Army na patuloy na bumubuti ang kalagayan ng isang sundalo na itinuturing bilang person under investigation sa COVID-19.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Maj. Gen. Pablo Lorenzo, commanding officer ng 5th ID na naka-isolate ngayon sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) ang sundalo na may ranggong technical sergeant.
Ayon kay Lorenzo, hinihintay pa ang resulta ng confirmatory test sa specimen sample ng sundalo na may travel history sa Manila at Abra, bago umuwi sa Camp Melchor Dela Cruz sa Isabela nitong March 8.
Bagama’t hindi nakaramdam ng lagnat, sinabi ni Lorenzo na nakaramdam ang naturang sundalo ng iba pang sintomas ng COVID-19 nitong March 12 na kaagad isinugod sa pagamutan sa Isabela at kalaunan ay inilipat sa CVMC.
Itinuturing naman ngayon na persons under monitoring (PUM) na naka-self quarantine ang nasa 9 hanggang 12 indibidwal na nakasalamuha ng sundalo sa loob ng kampo.
Dagdag pa ni Lorenzo, nagdisinfect na rin sa mga pasilidad sa kampo, bilang precautionary measures at pagtalima sa protocol ng pamahalaan.
Samantala, nananatiling COVID-19 free ang buong rehiyon dos hanggang sa kasalukuyan batay sa maigting na monitoring ng Department of Health.
Sa pinakahuling datos ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit, mayroong 29 na PUI ang naka-admit sa iba’t-ibang ospital sa rehiyon mula March 17 na kasalukuyang inaantay ang kanilang confirmatory test.
Mula January 31 ng kasalukuyang taon, nakapagtala ng 71 na PUI sa RO2 kung saan 42 sa mga ito ay nakalabas na sa ospital matapos nagnegatibo sa COVID-19.