Nahaharap sa kasong paglabag sa Intellectual Property Code ang isang negosyante na nagbebenta umano ng pekeng sigarilyo sa bayan ng Alcala, Cagayan.

Ayon kay PCMSgt Elorde Vital ng PNP-Alcala, may natanggap silang tip na nagbebenta ng pekeng mga sigarilyo ang suspek na si Manchita Santa Maria, 55-anyos ng Barangay Calantac.

Kaugnay nito, naglatag ng operasyon ang kapulisan noong Huwebes ng gabi (January 30) kung saan positibong nakabili ng pekeng sigarilyo ang posuer buyer na pulis sa tindahan ng suspek.

Nakumpiska rin sa tindahan ang apat na reams ng iba’t ibang brand ng sigarilyo na nagkakahalaga ng P2,000 at ibinebenta ng P50 kada pakete lamang.

Ayon kay Vital, nabatid na peke ang mga sigarilyo matapos ipasuri sa isang tobacco manufacturer.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Vital na iginiit ng suspek na pansamantalang nakalaya matapos magpiyansa ng P30,000 na hindi umano niya alam na peke ang mga ito.

Gayonman, iniimbestigahan na ng pulisya ang nakuhang impormasyon kaugnay sa sinasabing supplier mula Bulacan na nagdedeliver ng mga pekeng sigarilyo gamit ang pajero na sasakyan sa mga tindahan sa Alcala hanggang Baggao.

Nagbabala rin si Vital na may mga susunod pang operasyon ang pulisya kontra counterfeit items.