Labis ang kasiyahan ni Bettina Bacuyag ng Lallo Cagayan at ng kanyang pamilya, matapos na makapasa at mapabilang pa ito sa National Topnotchers sa kakatapos lamang na August 2024 Psychometrician Licensure Exam.
Nakuha ni Bacuyag ang 86.20 percentage sa pagsusulit dahilan para mapabilang ito sa siyam na pumwesto sa Top 6 sa buong bansa.
Aniya, hindi naging madali ang kanyang mga pinagdaanan bago ito makapag exam dahil hindi ito nakahabol sa board exam noong 2023 at isang beses lamang sa isang taon ang nasabing pagsusulit.
Bukod pa dito ay pinagsabay din ni Bacuyag ang kanyang trabaho sa Department of Health (DOH) Region 2 at pagrereview kung saan sa araw mismo ng kanilang pagsusulit ay nahirapan at napanghinaan ito ng loob dahil hindi gaanong lumabas sa exam ang kanyang mga nireview.
Nagpasalamat naman si Bacuyag sa lahat ng sumuporta at naniwala sa kanyang kakayahan lalong lalo na sa kanyang pamilya.
Si Bacuyag ay nagtapos ng Bachelor of Science in Psychology bilang magna cumlaude sa Saint Paul University Tuguegarao at sa ngayon ay nagtatrabaho na sa Department of Health Region 2 habang pinagsasabay ang kanyang pag aaral bilang 1st year law student.