TUGUEGARAO CITY- Wala ng plano ang isang UK national na manatili pa sa bansa matapos ang mapait na karanasan mula sa kanyang dating live-in partner at sa kanyang boyfriend.

Sinabi ni PSGT Francis Tamayo ng PNP Claveria na sinabi ni Nigel Stephen Barrett, 61 anyos na babalik na siya sa United Kingdom sa sandaling maghilom ang kanyang operasyon sa kanyang kanang paa na nabali matapos na bugbugin siya ng kanyang kinakasama na si Arline Calleja at kanyang boyfriend na si Edgar Salacup.

Una rito, nagtungo sa himpilan ng pulisya ang dalawang suspect at sinabing inatake sila ni Barrett.

Subalit, sinabi ni Tamayo na sa imbestigasyon, nasa isang villa ang dayuhan at umiinom ng serbesa ng dumating ang isang puting van sakay ang dalawang suspect.

Lumapit umano ang dayuhan sa dalawa matapos na siya ay tawagin, subalit ng makalapit ay bigla siyang sinuntok ng lalaki at nang gumanti ang dayuhan ay pinatulungan na siyang bugbugin.

-- ADVERTISEMENT --

Nang makita na hindi na makatayo ang dayuhan dahil sa bali sa kanyang kanang paa ay iniwan na ito ng dalawa at nagtungo sila sa himpilan pulisya.

Idinagdag pa ni Tamayo na bumalik lang sa Claveria nitong buwan ng Abril mula sa UK ngunit hindi siya pinapasok sa kanilang bahay ng kanyang live-in partner dahil may iba na siyang kinakasama.

Bukod dito, kumuha ng barangay protection order ang babae upang hindi makalapit sa kanya ang dayuhan.

Dahil dito, nakituloy ang dayuhan sa mga kaanak ng babae na malapit sa kanya.

Sinabi ni Tamayo na inihahanda na nila ang kasong isasampa laban sa dalawa.