
Muling sumiklab ang tensyon sa pagitan ng Israel at Iran matapos magsagawa ng air strikes ang Israel sa kanluran at gitnang bahagi ng Iran kasunod ng pagpapakawala ng mga missile ng Iran patungo sa hilagang bahagi ng Israel.
Ito ang unang pagkakataon na direktang nagpalitan ng pag-atake ang dalawang bansa mula nang magkabisa ang tigil-putukan dalawang buwan na ang nakalilipas.
Ayon sa Iran, ang kanilang isinagawang missile attacks ay simula pa lamang ng isang linggong tuluy-tuloy na opensiba laban sa Israel.
Nauna rito, naglunsad ang Israel ng mga air strike sa Beirut, Lebanon noong Linggo. Sinabi ng Israeli military na target ng operasyon ang mga posisyon ng grupong Hezbollah sa katimugang bahagi ng lungsod.
Iginiit ng Israel na isinagawa ang pag-atake bilang tugon sa pagpapaputok umano ng mga rocket ng Hezbollah patungo sa kanilang teritoryo.
Samantala, nanawagan si US President Donald Trump sa Israel na huwag nang gumanti laban sa Iran. Ayon kay Trump, personal niyang tatawagan si Punong Ministro Benjamin Netanyahu upang himukin itong umiwas sa karagdagang pag-atake.
Patuloy namang binabantayan ng international community ang sitwasyon dahil sa pangamba na maaari itong humantong sa mas malawak na sigalot sa Gitnang Silangan.




