
Inihayag ni US President Donald Trump ang “complete and total” na nagkasundo ang Israel at Iran ng ceasefire sa sa pag-asang matatapos na ang giyera sa pagitan ng dalawang bansa, ilang sandali matapos na magbanta ang dalawang panig ng panibagong pag-atake.
Ipinahiwatig ni Trump na magkakaroon ang Israel at Iran ng panahon para kumpletohin ang anomang misyon at magsisimula na rin ang ceasefire.
Sa pagtaya na gagana ang ceasefire, pinuri ni Trump ang dalawang bansa dahil sa kanilang stamina, katapangan, at talino para tapusin ang tinawag niyang “12 day war.”
Una rito, nagpahiwatig ang tatlong opisyal ng Israel na tatapusin na ang kampanya laban sa Iran sa malapit na hinaharap at ipinasa ang mensahe sa Estados Unidos.
Ayon naman sa isang senior official ng Iran na sumang-ayon sila sa panukalang ceasefire ng US.
Matatandaan na nagsagawa ng pag-atake ang Iran sa Air Base ng US sa Doha, Qatar bilang ganti sa inilunsad na air strike ng US sa hangaring sirain ang nuclear facilities ng Tehran.