
Naglunsad ng pambobomba ang Israel sa Lebanon na sinasabing bilang ganti sa pag-atake ng Hezbollah.
Sinabi ng Israel Defense Forces (IDF) na ang Hezbollah ay gumawa ng malaking pagkakamali sa pagpapaputok ng mga rocket at drone sa mga Israeli civilian sa unang pagkakataon sa loob ng ilang buwan.
Malawakang pambobomba ang isinagawa ng Israel kung saan target ang mga command center, launch sites, at matataas na miyembro ng Hezbollah sa Lebanon.
Maraming mga gusali ang napinsala at ipinahayag na ng Lebanese Health Ministry na umabot na sa 52 ang nasawi at mahigit 150 sugatan sa pag-atake ng Israel at apektado ang mga lugar tulad ng Beirut, Tyre, at iba pang bahagi ng southern Lebanon.
Batay pa sa mga ulat, kinondena ni Lebanon Prime minister Nawaf Salam ang mga pag-atake ng Hezbollah, na tinawag itong iresponsableng gawain na naglalagay sa panganib sa pambansang seguridad ng Lebanon.
Patuloy din ang sabay-sabay na air strikes laban sa mga target sa Iran ng Israel at US forces, kung saan umakyat na sa 787 ang namatay.
Ayon sa Saudi authorities, dalawang drones ang umatake sa US Embassy sa Riyadh, na nagdulot ng sunog at minor damage.
Nananatili naman sa loob ng kanilang mga tahanan ang maraming Pilipino sa Qatar habang patuloy ang pagharang ng mga awtoridad sa mga missile na pinakawalan ng Iran patungo sa mga base militar ng US. Isa umano sa pinakamalaking US base ay nasa Qatar.










