Ipinagmalaki ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu ang suporta ni United States President Donald Trump sa bisperas ng halalan sa Israel, kasabay ng pahiwatig na posibleng ipagpatuloy nila ang digmaan laban sa Iran.

Sa isang pahayag sa telebisyon, sinabi ni Netanyahu na walang kapantay ang pagkakaibigan nila ni Trump kumpara sa mga naunang lider ng Israel at Estados Unidos. Hinimok din umano siya ni Trump na muling mahalal upang matapos ang sinimulan nilang operasyon laban sa Iran.

Sa kaniyang pahayag, sinabi ni Trump na kailangang “tapusin ang trabaho” na sinimulan nila laban sa Iran noong Pebrero. Ayon naman kay Netanyahu, handa si Trump na kumilos upang tuluyang alisin ang banta ng Iran, habang iniutos na rin niya sa Israeli intelligence agency Mossad at militar na pabagsakin ang pamahalaan ng Iran.

Gayunman, sinabi ng White House na hindi aatake ang Estados Unidos sa Iran bago ang midterm elections sa Amerika sa Nobyembre 3. Iginiit din nitong mananatiling umiiral ang blockade laban sa Iran.

Samantala, inakusahan ni Gadi Eisenkot, pangunahing katunggali ni Netanyahu, ang punong ministro ng paggamit ng pananakot at maling impormasyon sa kampanya. Bagama’t pinuri rin niya si Trump bilang kaibigan ng Israel, sinabi niyang makikipagtulungan ang pangulo ng Amerika sa sinumang lider na pipiliin ng mga mamamayan.

-- ADVERTISEMENT --

Ang halalan sa Martes ang unang pagkakataon mula nang umatake ang Hamas sa Israel noong Oktubre 7, 2023, upang suriin ng mga botante ang pamumuno ni Netanyahu at ang naging tugon ng kaniyang pamahalaan sa sunod-sunod na digmaan sa rehiyon.

Ipinakikita ng mga survey na maaaring mawalan ng puwesto ang partido ni Netanyahu, na posibleng magpahina sa mayorya ng kaniyang koalisyon. Samantala, nananatiling hindi tiyak kung magkakaroon ng sapat na suporta ang oposisyon upang mapatalsik siya sa puwesto.