Binuksan na simula ngayong araw ang dalawang gate na nagsisilbing road right of way ng tribong Ataryahu papunta at palabas ng kanilang private land sa Brgy Baliuag, Penablanca, Cagayan.

Itoy matapos nagkaroon ng kasunduan sa dalawang panig sa pangunguna ng tribal leader na si Datu Donald Disen at ang pasteur lease holder na si Ret. Gen. Romeo Pagalilauan bago pa man ang kanilang paghaharap sa Provincial Environment and Natural Resources Office.

Ayon kay PENRO Officer Engr. Eliseo Mabasa, ilan sa napagkasunduan ng magkabilang partido ay ang pagbubukas sa gate ng daanan sa oras na ala-6:00 ng umaga hanggang ala-6:00 ng gabi.

Hahawakan ng miyembro ng tribo ang apat na susi ng gate habang ipagbibigay alam din kung may mga papapasukin na bisita.

Ang paghihigpit sa mga pumapasok sa lugar na boundary ng Cagayan at San Pablo, Isabela ay para sa seguridad ng mga miyembro ng tribo at sa buong pastuer land na may mga tanim na gulay at mga alagang hayop.

-- ADVERTISEMENT --

Nakatakda rin aniyang magkaroon ng dayalogo sa iba pang mga miyembro ng tribo at sa iba pang dumadaan sa lugar upang ipaalam ang naturang kasunduan.

Nagpasalamat naman si Mabasa sa kooperasyon ng retiradong heneral para sa ikareresolba ng naturang isyu.