TUGUEGARAO CITY- Naniniwala si Atty. Neri Colmenares, human rights lawyer na makukulong si Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa mga paglabag sa mga batas sa kanyang “war on drugs” pagkatapos ng kanyang termino.
Binigyan diin ni Colmenares na matitibay ang mga kasong isinampa ng mga complainants at maging ng ilang abogado laban kay Duterte sa International Criminal Court o ICC.
Reaksion ito ni Colmenares sa paghingi na ng ICC ng pahintulot sa The Hague Tribunal na magsagawa ng full investigation sa kampanya ng Duterte administration laban sa illegal drugs na ikinasawi ng libu-libong katao na maging ang mga inosente ay nadamay.
Iginiit pa ni Colmenares na may hurisdiksion pa rin ang ICC sa bansa dahil sa naisampa ang mga reklamo laban kay Duterte bago pa man ang pag-alis sa nasabing korte.
Bukod dito, nangyari ang mga krimen bago pa man ang withdrawal ng bansa sa ICC.
Naisampa ang mga reklamo noong Pebrero ng 2018 at ang withdrawal ng bansa sa ICC ay noong 2019.
Dahil dito, hinamon niya ang pangulo na magsabi ng probisyon ng batas sa Rome Statute na nagsasabi na walang hurisdiksion ang ICC sa bansa at hindi lamang puro salita na pagbalewala sa gagawing hakbang ng ICC.
Hamon din niya na magsumite sila ng kanilang depensa sa ICC.
Ipinaliwanag din ni Colmenares ang kanilang pagsasampa ng kaso sa ICC sa halip na dito sa Pilipinas.
Binigyan diin ni Colmenares na walang pag-asa na umusad ang kaso sa bansa dahil sa ipinaglalaban ni Duterte na presidential immunity.
Binatikos din ni Colmenares si Secretary Salvador Panelo sa kanyang sinabi na maaari namang kasuhan si Duterte sa 2023 kapag hindi na siya pangulo dahil wala na siyang presidential immunity.
Ito rin aniya ang ginagamit na sandata ni Duterte kaya matapang umano siya sa pagpapalabas ng mga kautusan na labag sa batas.
Sinabi pa ni Colmenares na tuloy ang hearing sa kaso sa The Hague kahit hindi tutulong sa imbestigasyon ang administrasyong Duterte.
Ayon sa kanya, kung hindi magsusumite ng kanilang ebidensiya ang administrasyon ay isasalang sa pagdinig ang mga isinumite na mga sworn statements ng mga complainants at iba pang dokumento at maging ang mga reports ng international media kung saan ay kabilang sa kanilang mga resources ay mga whistle blower na mga pulis.
Dahil dito, sinabi niya na mali ang pahayag ng administrasyon na pawang mga hearsay lamang ang mga ebidensiya na hawak ng ICC.