Pumanaw na ang kilalang Italianong fashion designer na si Giorgio Armani sa edad na 91, ayon sa opisyal na pahayag ng Armani Group ngayong Huwebes.

Si Armani ay isang haligi ng modernong Italian style at kilala sa kanyang elegante at makabagong disenyo.

Bukod sa pagiging tanyag na designer, isa rin siyang matagumpay na negosyante, na nagpapatakbo ng kumpanyang may taunang kita na tinatayang €2.3 bilyon (humigit-kumulang $2.7 bilyon).

Matagal na raw itong may karamdaman at hindi nakadalo sa Milan Men’s Fashion Week noong Hunyo—ang unang pagkakataong hindi siya nakasama sa sarili niyang fashion show.

Tinaguriang “Re Giorgio” o “King Giorgio,” kilala si Armani sa pagiging hands-on sa lahat ng aspeto ng kanyang negosyo—mula sa pagdidisenyo, pag-aasikaso ng marketing, hanggang sa pagtulong ayusin ang buhok ng mga modelo bago sila rumampa.

-- ADVERTISEMENT --

Magkakaroon ng public viewing o funeral chamber sa Milan ngayong Sabado at Linggo, habang ang pribadong libing ay gaganapin sa hindi pa tinukoy na petsa.