TUGUEGARAO CITY-Posibleng isailalim umano sa total lockdown ang bansang Italy sa mga susunod na araw kasunod ng patuloy na pagtaas ng bilang ng mga namamatay dahil sa corona virus disease o covid 19.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Humphrey Angalao na nakabase sa Milan, Italy na sa ngayon ay patuloy pa rin ang pagbiyahe ng mga public transportation sa bansa kahit na ipinapatupad ang lockdown.
Ayon kay Angalao na hindi bababa sa 600 ang namamatay sa Italy kung saan pinakamarami umano kahapon na umabot sa halos isang libo na karamihan sa mga ito ay matatanda na.
Inuuna na rin aniyang tugunan ng health department ng Italy ang kanilang mga kababayan kumpara sa mga nagpapatulong na ibang lahi at maging ang mga nakakaranas ng simpleng sakit ay hindi na tinatanggap sa mga pagamutan dahil sa dami at punuan ang mga pasyente sa mga pagamutan kasama na dito ang isang ospital sa Italy na mayroong kompletong pasilidad.
Kuwento pa ni Angalao na mas inuuna na nilang gamutin ang mga bata pa kumpara sa mga may edad na dahil sa lumolubong bilang covid patients sa nasabing bansa.
Sa ngayon ay nangunguna ang Italy na may pinakamataas na bilang ng mga namatay dahil sa covid na pumalo na sa higit 9,000 sa buong mundo.
Dagdag pa ni Angalao na kaya mataas ang kaso lalo na ang bilang ng mga namamatay dahil sa covid 19 sa Italy dahil hindi umano kagyat na nagpatupad paghihigpit ang gobierno kung kayat nakauwi ang mga turista mula sa Wuhan, China./ with reports from Bombo Marvin Cangcang