TUGUEGARAO CITY-Nakakaranas pa rin umano ng sunod-sunod na aftershocks ang Itbayat, Batanes matapos ang magkasunod na lindol na naranasan sa lugar nitong buwan ng Hulyo.
Ayon kay Batanes Governor Marilou Cayco, sa kanyang pamamalagi nitong nakaraang linggo sa Itbayat ay sunod-sunod pa rin na aftershocks ang kanilang naranasan.
Dahil dito, dumadami ang bilang nang naitatalang totally damaged na mga kabahayan at establishimento sa lugar.
Aniya, mula sa bilang na 269 na totally damaged ay aasahan na dadami pa ito kung saan ang mga partially damaged ay nagiging totally damaged na dahil sa mga aftershocks.
Hiniling na rin ng mga apektadong pamilya na mabibigyan ng cash donation para sa permanent na bahay na gawin na lamang half concrete ang kanilang ipapatayong bahay.
Ito’y dahil sa takot na muling gibain nang malakas na aftershocks na patuloy na nararanasan sa lugar ang kanilang bahay.
Samantala, sinabi ni Cayco na nakatanggap na ang kanilang lugar ng cash donation na umaabot sa P24milyong piso kung saan ang P10milyon ay mula sa China at ang iba ay mula sa iba’t-ibang ahensiya at grupo.