TUGUEGARAO CITY- Muling umapela ang ilang grupo ng mga magsasaka sa pamahalaan na tuluyan ng itigil ang importasyon ng bigas sa panahon ng anihan.

Sinabi ni Raul Montemayor, manager ng Federation of Free Farmers na ito ay upang mabigyan naman ng pagkakataon ang mga magsasaka na maibenta sa magandang presyo ang kanilang produkto sa mga traders.

Naniniwala si Montemayor na ang over importation o pagdagsa ng imported na bigas ang nagpapababa sa presyo ng palay sa ilang probinsiya sa bansa.

Binigyan diin ni Montemayor na napipilitan ang mga magsasaka na ibenta ang kanilang mga palay sa mga traders dahil sa hindi naman kaya ng National Food Authority na bilhin lahat ang kanilang produkto.

-- ADVERTISEMENT --

Bukod dito, ang binibili lang ng NFA ay clean and dry na hindi naman nagagawa na patuyuin ito ng mga magsasaka ngayong panahon ng tag-ulan dahil sa kawalan ng mga dryer.

Dahil dito, iminungkahi niya na magkaroon sana ng malalaking dryer sa mga warehouse ng NFA o sa ibang lugar upang maibenta nila ang kanilang produkto sa NFA at sa mga traders sa mas magandang presyo.

Sinabi ni Montemayor na matagal ng problema ito ng mga magsasaka at iniaangal na rin ito ng mga magsasaka subalit wala umanong ginagawa ang Department of Agriculture.

Nanawagan naman ang grupong Bantay Bigas na dagdagan ng P15 bilyon o ang nasa P7 bilyon na pondo kada taon ng National Food Authority (NFA) kada taon ay gawing P22 bilyon ang budget para sa palay procurement.

Ito ay sa harap na rin ng mababang bentahan ng palay sa kasalukuyan, na ayon sa grupo ay hindi sapat para mabawi ang labor at mataas na production costs nito.

Ayon kay Cathy Estavillo, tagapagsalita ng grupo na kailangang mapalaki ang ‘buying capacity’ ng NFA o pondo na gagamitin nito para sa pagbili ng 10% sa kabuuang aning palay ng local farmers.

Sinisisi ng grupo ang Rice Liberalization Law sa pagbagsak ng presyo ng palay kung saan bumuhos ang inangkat na bigas sa merkado, dahilan para bumagsak ang presyo ng palay sa hanggang P10/kada kilo ngayong anihan at pinangangambahang bubulusok pa sa pinakamababang P7.

Aniya, nagdulot na ng P165 bilyong pagkalugi sa mga rice farmer ang implementasyon ng nasabing batas dahil sa price manipulation at pagbabarat ng mga traders sa mga local produce.

Ipinanawagan din ng grupo sa gubyerno na repasuhin ang naturang batas at isabatas ang Rice Industry Development Act na may layong palakasin ang sektor ng agrikultura sa bansa.

Bagamat mayroong Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF), hindi naman din lahat ng magsasaka ay nakikinabang dito.