Nilinaw ni Maria Rosario Pacarangan, assistant chief ng Agro-business Marketing ng Department of Agriculture Region 2 na walang over supply ng mangga sa Lambak Cagayan.

Reaksion ito ni Pacarangan sa pagtatapon ng isang magsasaka mula sa San Mateo, Isabela ng mga mangga sa nabanggit na bayan.

Sinabi ni Pacarangan na batay sa kanilang pagtatanong sa nasabing magsasaka ay itinapon niya ang mga nasabing mangga dahil hindi binili ng pinagdalhan niya na planta sa Cavite.

Ayon sa kanya, maituturing na reject na umano ang mga nasabing mangga kaya itinapon na lang ito at ang iba ay ipinamigay sa kanyang mga kapitbahay.

Gayonman, sinabi ni Pacarangan na hindi pa sinabi ng magsasaka ang dahilan kung bakit ni-reject ang mga nasabing mangga.

-- ADVERTISEMENT --

Kaugnay nito, sinabi ni Pacarangan na may nakuha ang DA na initial na 729 kilos mula sa nasabing magsasaka na nagmamay-ari ng daang-daang tanim na mangga sa San Mateo at maging sa Alfonsolista, Ifugao.

Dahil dito, sinabi ni Pacarangan na magkakaroon ng pulong ang DA kasama ang farmer cooperatives at association ng mango growers ngayong araw na ito upang mapag-usapan ang mga dapat gawin sa mga mangga Lalo na at ngayong buwan ang malakihan ang ani ng nasabing produkto upang hindi nasasayang.

Samantala, ang presyo ng mangga ngayon sa Region 2, ang green mangoes ay mula P15 hanggang P32 per kilo habang sa hinog na mangga naman ay mula P40 hanggang P80 per kilo.