Arestado ng pinagsanib na puwersa ng militar at pulisya ang umano’y mataas na lider ng New People’s Army (NPA) na si Edward Flores, kilala rin sa mga alyas na Cess, Ruby, Rafa, at Ramon, sa Barangay Indahag, Cagayan de Oro.

Ayon sa 6th Infantry Division, si Flores ay itinuturong dating secretary general ng Far South Mindanao Region (FSMR) ng NPA — isang grupo na halos tuluyang nanghina bunsod ng sunod-sunod na opensibang militar.

Dagdag pa ng militar, bukod sa pagiging kalihim ng FSMR, dati ring naging tagapagsalita si Flores ng rehiyon, naging pinuno ng Regional Urban Committee, at dating secretary ng nabuwag na Guerilla Front Tala.

Sa kanyang pagkakadakip, nakumpiska sa kanya ang isang Colt .45 pistol, granada, at smartphone.

Nahaharap si Flores sa mga kasong murder, multiple attempted homicide, at paglabag sa Anti-Terrorism Act sa iba’t ibang lugar sa Mindanao.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Brigadier General Michael Santos ng 603rd Infantry Brigade, ang pagkakaaresto kay Flores ay isang malaking dagok sa natitirang hanay ng rebeldeng grupo.

Dagdag pa ni Major General Ronald Gumiran ng 6ID, patuloy ang kampanya ng pamahalaan laban sa mga natitirang miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG), katuwang ang mga sibilyan at TF-ELCAC upang tuluyang tapusin ang dekadang sigalot sa bansa.