Pormal na ipinroklama ng Commission on Elections (Comelec) si Jan Franz Chan bilang bagong kinatawan ng Ako Bicol party-list matapos ang pagbibitiw ni Zaldy Co, na nasangkot sa isyu ng umano’y anomalya sa mga proyekto sa flood control.

Pinangunahan nina Comelec Chairperson George Erwin Garcia at mga Commissioner Noli Pipo, Maria Norina Tangaro-Casingal, Rey Bulay, at Ernesto Maceda Jr. ang proklamasyon na ginanap sa session hall ng Comelec main office.

Sa 2025 midterm elections, dalawang puwesto sa Kamara ang nakuha ng Ako Bicol party-list, na unang inilaan kay Co at sa ikalawang nominado na si Alfred Garbin. Si Chan, na nakatala bilang ikatlong nominado, ang awtomatikong pumalit base sa Republic Act No. 7941 o Party-list System Act, na nagsasaad na ang bakanteng puwesto ay pupunan ng susunod na nominado sa listahan ng partido.

Batay sa kanyang certificate of acceptance, si Chan ay isang abogado at lisensyadong real estate broker.

Nagbitiw si Co noong Setyembre dahil umano sa matinding banta sa kanyang kaligtasan at sa seguridad ng kanyang pamilya.

-- ADVERTISEMENT --