
Nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Japan, Republic of Korea, China, at sa iba pang ASEAN member states na paigtingin ang kooperasyon para tugunan ang mga hamong kinakaharap ng rehiyon, kabilang ang usapin ng seguridad, ekonomiya, at kalikasan.
Sa 28th ASEAN Plus Three Summit sa Kuala Lumpur, Malaysia, binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng sama-samang pagkilos sa ilalim ng mga konkretong at inklusibong inisyatiba na pakikinabangan ng mga mamamayan.
Kabilang sa mga tinukoy ng Pangulo ang mas matibay na ugnayan laban sa transnational crimes gaya ng human trafficking, sa pamamagitan ng pag-align ng mga programa ng ASEAN Plus Three sa ASEAN Convention Against Trafficking in Persons.
Sa ekonomiya naman, hinimok ng Pangulo ang mas malawak na suporta para sa mga micro, small, at medium enterprises (MSMEs) at ang mas aktibong paggamit ng Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) upang matulungan ang mga negosyante at exporters.
Pinuri naman ni Presidente ang Chiang Mai Initiative Multilateralisation upgrade at ang pagtatatag ng Rapid Financing Facility bilang dagdag na proteksyon sa gitna ng mga hamong pang-ekonomiya.
Binigyang-diin din ng Punong Ehekutibo ang pangangailangang mapalakas ang regional supply chain connectivity, mapabilis ang customs process, at mabigyan ng mas maraming oportunidad ang mga negosyante sa mga lungsod at kanayunan.
Sa usapin ng kalamidad, nanawagan si Marcos na gawing bahagi ng sustainable development ang disaster risk reduction at gamitin ang makabagong early warning systems upang maprotektahan ang buhay at kabuhayan sa rehiyon.










