Pinag-aaralan ng pamahalaan ng Japan ang mga hakbang upang mas mapadali ang paglalakbay ng mga Pilipino sa kanilang bansa sa pamamagitan ng mas pinasimple at pinahusay na proseso ng pagkuha ng visa.

Ayon kay Japanese Ambassador to the Philippines Endo Kazuya, patuloy na nagsasagawa ng mga hakbang ang Embahada ng Japan upang gawing mas mabilis at mas maayos ang visa application process para sa mga Pilipino.

Sinabi ng embahador na isa ito sa mga madalas na tanong na natatanggap niya, partikular ang posibilidad ng visa-free entry para sa mga Pilipino.

Gayunman, nilinaw niya na pinag-aaralan pa ng Japan ang iba’t ibang aspeto bago magpatupad ng anumang pagbabago sa visa policy.

Kabilang sa mga isinasaalang-alang ng Japan ang epekto nito sa public safety, national security, ekonomiya, at lipunan.

-- ADVERTISEMENT --

Upang matugunan ang patuloy na pagdami ng mga aplikante, nagbukas na ang Japanese Embassy ng mga visa application centers at nagpatupad ng e-visa system para sa mga biyaherong sasama sa package tours na inorganisa ng mga akreditadong travel agencies.

Noong 2024, niluwagan din ng Japan ang mga rekisito para sa multiple-entry visas ng mga Pilipinong may sapat na antas ng kita. Samantala, visa-exempt na rin mula pa noong Oktubre 2024 ang mga may hawak na Philippine diplomatic passports.

Binigyang-diin ni Endo na nananatiling matatag ang relasyon ng Pilipinas at Japan, kung saan malaking bahagi nito ang patuloy na pagpapalitan at pakikipag-ugnayan ng mamamayan ng dalawang bansa.