Sugatan ang driver at ang 16 pasahero nito matapos na bumaligtad sa kalsada ang sinasakyan nilang dyip sa Brgy. Nagyubuyuban, San Fernando City, La Union kagabi.
Ayon sa San Fernando CPS, ang Isuzu jeepney ay minamaneho ng 45-anyos na lalaki, may asawa, residente ng Cardiz, Bagulin, La Union.
Walo sa mga sugatan ay mga menor-de-edad na ang mga edad ay 10,9,11,15,12,8,14,1 samatalang ang mga iba pang sugatan ay mga edad 55, 31, 71, 70, 47, 37, 50 at isang babaeng nasa legal na edad ngunit hindi binanggit kung ano ang eksaktong edad.
Apat sa mga biktima ang residente ng Itogon, Benguet; walo ang residente ng San Gabriel, La Union; 3 ang San Fernando City, La Union; 1 ang Baguio City; at 1 sa Bagulin, La Union (driver).
Sa inisyal na imbestigasyon, bumibiyahe papuntang hilagang direksyon sa downhill na bahagi ng kalsada sa nabanggit na lugar ang Isuzu Jeepney nang magkaroon ng brake failure ang sasakyan.
Dahil dito, nawalan ng kontrol sa manibela ng sasakyan ang driver hanggang sa bumaligtad sa kalsada ang jeepney.
Agad na isinugod sa Ilocos Training and Regional Medical Center (ITRMC) ang mga biktima.