Nakauwi na ang apat sa lima na nasugatan sa nangyaring pagkahulog ng isang jeep sa Barangay Mawanan sa Rizal, Cagayan kahapon.

Sinabi ni PMSGT Gem Talay ng PNP Rizal, ang mga nasugatan ay mga bata kabilang ang 10 buwang gulang at dalawang babae.

Ang isa sa mga ito na isang babae ay dinala sa Cagayan Valley Medical Center sa lungsod ng Tuguegarao para sa karagdagang gamutan.

Ayon kay Talay, sa imbestigasyon, binabaybay ng jeep ng kalsada sa mabundok na bahagi ng nasabing barangay ng may malalaking tipak ng bato ang nahuhulog mula sa bundok na tinatawag na Biwag at Malana.

Dahil dito, hinawi ng driver ang manibela papunta sa kabilang linya ng kalsada.

-- ADVERTISEMENT --

Subalit, dahil madulas ang kalsada dahil sa mga pag-ulan, dumausdos ang sasakyan sa bangin at nahulog sa maisan na taas na lima hanggang anim na metro.

Ayon kay Talay, galing ang jeep sa bayan ng Tuao na nagbenta ng mais.

Sinabi ni Talay na madalas na nagkakaroon ng pagkahulog ng mga tipak ng mga bato sa nasabing lugar tuwing may mga pag-ulan.

Dahil dito, pinaalalahanan ni Talay ang mga motorista na iwasan muna ang dumaan sa nasabing lugar.