Nakabalik na ang imahen ni Jesus Nazareno sa Minor Basilica at National Shrine of Jesus Nazareno o Quiapo Church kaninang madaling araw matapos ang mahigit 20 oras na prusisyon.
Ipinasok ang imahe ni Jesus Nazareno sa simbahan na tinawag na Minor Basilica at National Shrine of Jesus Nazareno ng 1:26 a.m.
Umalis ang prusisyon sa Quirino Grandstand ng 4:41 a.m. at tumagal ng 20 hours, 45 minutes at four seconds, ayon sa mga opisyal ng Quiapo.
Tinaya ng mga awtoridad na mahigit walong milyon na deboto ang nakiisa sa taunang Traslacion.
Kaugnay nito, sinabi ni Manila Police District (MPD) Police Brigadier General Thomas Ibay na marami ang hindi sumunod sa direksion ng Traslacion at umakyat para hawakan ang imahen o andas.
Dahil dito, sinabi ni Ibay, naging mabagal ang pag-usad ng prusisyon ngayong taon kumpara noong 2024.
Inabot ng halos dalawang oras bago marating ang Ayala Bridge sa Pasig River sa Traslacion dahil sa pagpupumilit ng mga deboto na makalapit sa imahen ni Jesus Nazareno.
Bahagya ring tumagilid ang andas sa Farnecio Street subalit agad din itong naibalik sa ayos.
Ayon sa Philippine Red Cross, mahigit 500 naman ang kinailangan ang medical assistance sa panahon ng prusisyon, dahil sa pagduduwal, pananakit ng dibdib, nabaling balikat, pagdurugo ng ilong, pananakit ng bukong-bukong, hirap sa paghinga, panginginig, at pananakit ng likod.
May ilang bata rin ang iniulat na nawawala sa panahon ng aktibidad.
Ang feast of Jesus Nazareno ay 10-day activity na nagsimula noong December 31, 2024 at nagtapos kahapon January 9, 2025 sa pamamagitan ng Traslacion mula Quirino Grandstand papuntang Quiapo Church.
Ang Traslacion ay ang paggunita ng paglilipat ng imahen ni Jesus Nazareno mula San Nicolas de Tolentino Church sa Intramuros sa Quiapo Church noong 1700s.