
Ikinumpirma ng Sandiganbayan Fifth Division na sa New Quezon City Male Dormitory Jail sa Payatas, Quezon City ikukulong si Senador Jinggoy Estrada at apat pa niyang co-accused kaugnay ng kasong plunder at graft na may halagang ₱573 milyon.
Ayon sa korte, inilabas na ang arrest warrant laban sa mga akusado matapos maisampa ang kaso ng Office of the Ombudsman kaugnay ng umano’y flood control scandal.
Dahil non-bailable ang kasong plunder, mananatili sa kustodiya ng batas ang mga akusado habang hinihintay ang magiging desisyon ng korte sa anumang petition for bail na maaari nilang ihain.
Bukod sa plunder case, nahaharap din si Sen. Estrada at isa pa niyang co-accused na si Department of Public Works and Highways official (DPWH official) Manuel Bonoan sa hiwalay na graft case sa Second Division ng Sandiganbayan. Nauna nang nakapagpiyansa ang dalawa para sa kasong graft na bailable, habang hinihintay pa ang magiging hakbang sa kaso sa Fifth Division.
Patuloy na nililitis ng Sandiganbayan ang mga kasong may kaugnayan sa umano’y iregularidad sa flood control projects.




