Tinanghal bilang 2024 Pancit Batil Potun Cooking Contest Champion ang Joezette Panciteria habang ang koponan naman ng mga vloggers ang nanalo sa Pancit Eating Contest sa isinagawang Pancit Festival na bahagi parin sa nagpapatuloy na 2024 Pavvurulun Afi Festival.

Nakatanggap ang nasabing panciteria ng P50,000 na premyo kung saan sila rin ang tinanghal na Best Pancit Presentation, Most Facebook likes na may tig P5,000 at Most Classic Panciteria na P10,000.

Pareho namang nasa 1st place ang Doys Panciteria at Jhupits Panciteria kung saan nag uwi ang mga ito ng tig P30,000 habang 2nd placer ang Luis Panciteria na nanalo ng P20,000.

Best in Cleanliness naman ang Bancho’s Panciteria na nakakuha ng P5,000.

Samantala, nakatanggap naman ang grupo ng mga vloggers ng P15,000 matapos manalo sa eating contest na sinundan ng CENRO Tuguegarao na nag uwi ng P10,000 habang P5,000 naman sa grupo ng PAG-IBIG.

-- ADVERTISEMENT --

Lubos naman ang kasiyahan ni Tuguegarao City Mayor Maila Ting Que sa matagumpay na pagdiriwang ng Pancit Festival dahil sa dinumog ito ng mga manonood at nakiisa rin ang panahon.

Ang nasabi umanong aktibidad ay isang paraan upang natitiyak ang kalidad ng mga panciteria dito sa lungsod na unti unting naipapakilala sa ibat ibang bahagi ng bansa.

Sa pamamagitan nito ay natutulungan ang mga local businesses ganun din sa ekonomiya ng lungsod dahil sa tulong ng food tourism.

Sa ngayon ay parehong dinudumog ang parehong dati at bagong version ng Pancit Batil Potun na ipinagmamalaki ng lungsod ng Tuguegarao.