Pinagbantaan ng kapitbahay na dahilan umano ng pamamaril ni John Wayne Sace batay sa nakalap na impormasyon ng Philippine National Police kaugnay sa insidente ng pag-aresto sa dating aktor, kamakailan.
Sinabi ni Police Maj. Loreto Tigno ng Pasig City Police na nangyari ang pamamaril bandang 7:30 ng gabi nitong Oktubre 28 sa Feliciano St., Brgy. Sagad, Pasig City.
Pinabulaanan naman ng kamag-anak ng biktima ang pahayag at sinabing walang ganitong kwento dahil kapwa involved ang dalawa sa droga.
Sa pamamaril ay napatay ang 43-anyos na lalaking biktima. Nakuha ang limang basyo ng bala mula sa crime scene.
Ayon pa kay Tigno, ang kategorya ng biktima ay user pero si John Wayne Sace ay asset.
Naaresto si Sace sa tulong ng CCTV footage at pagmonitor sa social media kung saan ito madalas na pumupunta, partikular na sa isang hotel sa Pasig City.
Kasalukuyang nakakulong si Sace sa Pasig City police station habang hinihintay ang commitment order para ilipat sa Bureau of Jail Management and Penology.