Nagsagawa ng air drops ang Jordan at United Arab Emirates (UAE) sa Gaza matapos ianunsyo ng Israel ang serye ng mga hakbang para sa humanitarian aid.

Ayon sa Israel Defense Forces (IDF), binubuksan na nila ang mga aid corridors upang “pabulaanan ang maling paratang ng sinasadyang gutom,” kasunod ng mga babala mula sa mga humanitarian groups tungkol sa lumalalang malnutrisyon sa Gaza Strip.

Iniulat din ng state-run media ng Jordan na nagpapadala sila ng 60 trak ng pangunahing pagkain, habang patuloy namang nagbibigay ng tulong ang Egypt sa pamamagitan ng lupa.

Gayunpaman, iginiit ng ilang international aid organizations na hindi sapat ang mga air drop upang tugunan ang krisis sa Gaza.

Isa sa mga grupo ang tumawag dito bilang isang “grotesque distraction” mula sa tunay na pangangailangan ng sustenableng supply routes.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa ulat, humigit-kumulang 160 air drop flights ang kakailanganin para lang makapagbigay ng isang meal bawat araw sa halos dalawang milyong katao sa Gaza.

Sa ulat ng Hamas-run Gaza health ministry, hindi bababa sa 133 na katao na ang namatay dahil sa malnutrisyon mula nang magsimula ang digmaan.