Napatunayang guilty ng Supreme Court (SC) si Muntinlupa Regional Trial Court Judge Romeo Buenaventura sa simple misconduct at neglect of duty sa paghawak sa high-profile drug case laban kay dating Senator Leila de Lima.
Sa resolution, nagpataw ang First Division ng SC ng P36,000 na multa kay Buenaventura – P18,000 para sa simple misconduct, dahil sa paglabag sa New Code of Judicial Conduct, at ang isa pang P18,000 para sa simple neglect of duty dahil sa performance o nonperformance ng official functions.
Binalaan din ng SC si Buenaventura ng mas mabigat na parusa kung uulitin niya ang nasabing mga paglabag.
Nag-ugat ang kaso mula sa administrative complaint na inihain ng mga abogado na sina Teddy Esteban Rigoroso at Rolly Francis Peoro, legal counsels ni De Lima, kung saan inakusahan nila si Buenaventura ng paglabag sa judicial ethics at nagbunsod ng pagkaantala sa ruling sa motion to bail ng kanilang kliyente sa Criminal Case No. 17-167, kung saan inakusahan siya ng illegal drug trading.
Inihain ang motion to bail ni De Lima sa nasabing kaso noong December 14, 2020, at inabot ng tatlong taon bago naresolba, noong June 7, 2023, sa ilalim ng pamamahala ni Buenaventura.
Ang nasabing kaso ay isa sa tatlong drug cases laban kay De Lima na ibinasura ng iba’t ibang korte sa Muntinlupa noong 2021, 2023 at 2024.
Pinayagan na makapag-piyansa si De Lima, dating justice secretary noong November 2023 at nakalabas mula sa detention.