May bago umanong testigo sa kaso ng missing sabungeros.

Sinabi ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla na ang bagongt testigo ang magpapalakas umano sa kredibilidad ng whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan, alyas “Totoy.”

Ayon kay Remulla, ito ay dahil hindi lamang testimonial evidence ang dalawa ng bagong testigo kundi totoo na mga ebidensiya.

Sinabi ni Remulla, sibilyan ang bagong saksi na hindi pa lumalabas sa mga media report ang pangalan.

Kasabay nito, nakipagpulong din si Remulla kay PNP chief Police General Nicolas Torre III sa Department of Justice main building para talakayin ang pagkakadawit ng ilang pulis sa kaso ng nawawalang mga sabungero.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Remulla, pumayag si Torre sa kaniyang kahilingan na alisin sa puwesto ang isang opisyal sa paghawak sa kaso.

Nilinaw ng kalihim na hindi sangkot sa kaso ng missing sabungeros ang opisyal pero mayroon umano itong ikinilos na naging dahilan para mawala ang tiwala niya.

Idinagdag ni Remulla na hindi kasama ang opisyal sa 12 pulis na nakitaan ng National Police Commission (NAPOLCOM) ng basehan para sampahan ng administrative case kaugnay ng nawawalang mga sabungero.

Ayon kay Remulla, makikipag-usap siya kay NAPOLCOM vice chairperson and executive officer Atty. Rafael Calinisan para magkumpara ng mga detalye para sa direksyon na kanilang tinatahak sa paglutas sa kaso.

Makikipag-usap din umano siya kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong linggo upang talakayin ang pag-usad ng kaso ng nawawalang mga sabungero, na nabanggit ng Punong Ehekutibo sa kaniyang State of the Nation Address (SONA 2025) nitong Lunes.