Pinakawalan na ang isang juvenile hawksbill turtle na natagpuan ng isang residente sa bayan ng Claveria, Cagayan.

Ayon kay Krushiva Tristanne Jan Reslin, Forest Technician II at Focal Person for Coastal and Marine, Wildlife, Caves, Wetlands, ng Community Environment and Natural Resources, matapos maobserbahan na magaling na ang sugat nito ay agad na pinakawalan sa dagat sa Taggat Sur ng nasabing bayan ang nasabing pagong.

Una rito ay kasalukuyan aniyang naglalakad ang isang residente sa bahagi ng Taggat Norte nang mapansin nito ang isang babaeng pagong at may habang 30 inches na napadpad sa sako kung kaya’t agad naman niya itong tinulungan at isinangguni sa kinauukulan.

Aniya, hindi ito ang unang pagkakataon na mayroong nakitang ganitong uri ng pagong pati na rin ng green sea turtle dahil madalas ng nakikita ang mga ito sa nasabing bayan at maging sa Sanchez Mira lalo na sa panahon na sila ay naghahanap ng kanilang makakain.

Sinabi ni Reslin na nakakatutulong ang mga nasabing pagong sa pagpapanatili ng balance sa ecosystem at nagsisilbing pataba sa mga sandy beaches sa pamamagitan ng kanilang pangingitlog.

-- ADVERTISEMENT --

Bagama’t madalas na itong makita ay nanganganib pa rin ang mga ito na mawala dahil kinukuha ito ng mga tao para gawing pagkain, alahas sa pamamagitan ng leather back nito lalong lalo na ang hawksbill turtle.