Tuguegarao City- Inalmahan ng Kabataan Partylist Cagayan Valley ang umano’y ginawang harassment ng mga kapulisan sa nakatakda sanang pagsasagawa ng peaceful protest sa Tuguegarao City kasabay ng State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa panayam kay Joshua Kyle, Chairperson ng Kabataan Partylist Cagayan Valley, hindi pa man sila nag-uumpisa sa kanilang aktibidad ay inaresto na ng PNP Tuguegarao ang 4 na miyembro ng kanilang grupo.
Bukod dito ay pinilit din aniya sila ng mga pulis na buksan ang kanilang mga bag at ang ilan sa kanila ay pinagbantaan.
Paliwanag nito na layunin lamang ng kanilang grupo na magsagawa ng mapayapang pagpapahayag ng saloobin kaugnay sa “junk terror law” at sa usapin ng edukasyon para sa kabataan.
Iginiit pa niya na wala din silang balak na manggulo.
Sinabi ni Kyle na hindi sila nakapagtaas ng mga dalang placards dahil sa pagdami ng mga pulis sa lugar na may dala pang mga baril.
Hindi rin aniya malinaw sa kanila ang mga violations na ibinabato sa kanila dahil sinunod naman nila ang mga alituntunin kasama na ang umiiral na panuntunan sa community quarantine.
Gayunpaman ay hindi na aniya sila tumuloy sa kanilang aktibidad dahil sa nasabing pangyayari.
Nabatid pa na nasa 10-14 na katao ang kasamahan nitong magsagawa sana ng kilos protesta.