Nag-alay ng misa at wreath laying ceremony ang Police Regional Office (PRO) 2 para sa anim na nasawing Special Action Force na mula sa rehiyon dos matapos ang nangyaring Mamasapano Encounter pitong taon na ang nakakaraan.
Ayon kay PLTC Efren Fernandez II, head ng Regional Public Information Office ng PRO2, isinagawa kahapon ng PNP ang simultaneous na paggunita sa anibersaryo ng SAF44 sa bansa sa ilalim ng Presidential Proclamation No. 164 na nagdedeklara tuwing Enero 25 kada taon na National Day of Remembrance para bigyang pagpupugay ang tinaguring bayani ng bayan.
Kabilang sa mga nagbuwis ng buhay habang ginagampanan ang tungkulin sa isang operasyon sa Maguindanao ay sina PO2 Joel Dulnuan mula Nueva Vizcaya, SPO1 Rodrigo Acob, PO2 Loreto Capinding at SPO1 Andres Dugue mula Isabela habang sina PO2 Olibeth Viernes at SPO1 Richelle Baluga ng Cagayan.
Sinabi ni Fernandez na pinangunahan ni PLt Gen. Rhodel Sermonia, chief ng PNP Directorial Staff, kasama ang tatlong pamilya ng tatlong nasawing pulis sa Cagayan ang pag-aalay ng mga bulaklak sa bagong PRO2 Heroes Memorial Headstone.
Matatandaan noong Enero 25, 2015, naganap ang madugong bakbakan nang isagawa ng mga operatiba ng PNP SAF ang Oplan Exodus upang hulihin ang bomb-maker at teroristang si Zulkifli Abdhir o mas kilala sa “Marwan” at iba pang Malaysian Terrorists na nagresulta naman sa pagkamatay ng 44 na pulis.
Dagdag pa ni Fernandez, inalala din kahapon ang kabayanihan ng marami pang pulis na nagbuwis ng buhay sa pagtupad sa kanilang tungkulin tulad ni PSSgt Alvin Anog ng Enrile, Cagayan na pinaslang noong 2020 dahil sa kanyang trabaho.