Isang resolusyon ang inihain niSenator Sherwin Gatchalian para imbestigahan ang posibleng pagkakasangkot ng mga bangko sa pagtatayo ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.

Sa ilalim ng Senate Resolution 1193 na inihain ng senador, inaatasan dito ang angkop na komite na siyasatin ang kabiguan ng mga bangko na harangin agad ang mga kahina-hinalang transaksyon ng mga POGO na naging sanhi ng criminal activities.

Nakasaad sa resolusyon ang ginagawang imbestigasyon ng Senado sa mga POGO-related crimes kung saan nabunyag ang daang milyong bank transactions ng mga kumpanyang pagmamay-ari ni Guo Hua Ping o si dismissed Bamban Mayor Alice Guo na posibleng ginamit sa konstruksyon ng POGO hub sa Bamban, Tarlac.

Bukod dito, ang kita ng mga kompanya ni Guo ay walang kapasidad para maglabas ng napakalaking halaga.

Kaduda-duda para sa senador na sa taong 2020 kung kailan kasagsagan ng pandemya at paralisado ang maraming negosyo sa bansa at sa buong mundo ay dito pumasok ang pinakamalaking transaksyon sa mga accounts ni Guo na taon din kung kailan sinimulan ang pagtatayo ng Bamban POGO pero ito ay hindi man lang na-flagged ng mga bangko.

-- ADVERTISEMENT --

Maliban dito ay sisilipin din sa imbestigasyon ang regulasyon at guidelines ng Anti-Money Laundering and counter-terrorism financing para sa mga banks at financial institutions.