Tinatayang nasa P1.9 milyon ang kabuuang halaga ng pinsalang iniwan ng bagyong kristine sa 59 magsasaka sa Kalinga at Apayao.

Ayon sa ulat ng Department of Agriculture-Cordillera (DA-CAR), ang mga napinsalang ito ay paunang datos lamang na naitala hanggang sa araw na ito October 26.

Ayon Kay Crisante Rosario ng DA-CAR Disaster Risk Reduction and Management Council, patuloy na kinokolekta ang mga datos mula sa aming mga tanggapan sa probinsya hinggil sa epekto ng bagyo sa sektor ng agrikultura.

Aniya Ang mga apektadong magsasaka ay binubuo ng 14 na magsasaka ng palay sa Kalinga at 45 na magsasaka ng gulay sa Apayao kng saan umaabot sa 80 ektarya ng palayan at 1.75 ektarya ng taniman ng gulay ang naapektuhan.

Dahil sa epekto ng bagyo, sinimulan na ng mga tauhan ng ahensya ang validation procedures upang tiyakin ang lawak ng pinsala. Kasama dito ang aktwal na pagsusuri sa mga bukirin at pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang tanggapan upang matukoy ang kabuuang pinsala sa sektor ng agrikultura at pangisdaan.

-- ADVERTISEMENT --

Bilang tugon, nakahanda na ang mga binhi ng palay, mais, at mga high-value crops, pati na ang mga gamot at biologics para sa mga alagang hayop, na nakaimbak sa ligtas na mga pasilidad. Kasama rin dito ang patuloy na pagmamanman ng presyo ng mga produktong agrikultural.

Inaasahan namang tatanggap ng tulong ang mga apektadong magsasaka, kabilang ang mga binhi ng palay, gulay, at mais, pati na rin ang mga gamot at biologics. Maaari rin silang mag-avail ng Survival and Recovery (SURE) Loan Program ng Agricultural Credit Policy Council (ACPC), kung saan maaari silang mangutang ng hanggang P25,000.

Samantala, pinaaalalahanan ng ahensya ang mga magsasaka na agad i-report sa mga kinauukulang tanggapan ang mga pinsalang kanilang natamo upang maging basehan ng mga hakbang na ibibigay sa kanila.