Binibigyang-diin ni Senator Bong Go ang kahalagahan ng pagtatayo ng mga dedicated at ligtas na evacuation centers sa buong bansa upang matiyak na may maayos na masisilungan ang mga Pilipino tuwing may kalamidad.

Ayon sa kanya, matagal na niyang nakikita ang hirap ng mga kababayan na napipilitang magsiksikan sa mga basketball courts, classrooms, at iba pang pansamantalang pasilidad na hindi ligtas.

Ipinahayag ni Go ang kanyang pasasalamat na naisabatas na noong Disyembre 2024 ang Republic Act No. 12076 o Ligtas Pinoy Centers Act, kung saan siya ang principal author at co-sponsor.

Layunin ng batas na ito na magkaroon ng evacuation centers sa lahat ng munisipalidad at siyudad sa bansa.

Kasabay ng pahayag ng Pangulo sa kanyang SONA na sisimulan na ang pagpapatayo ng mga mandatory evacuation centers, tiniyak ni Go na tututukan ng Senado ang implementasyon upang masigurong may sapat na pondo at maayos na nagagamit ang pera ng taumbayan.

-- ADVERTISEMENT --

Binanggit din niya na mas mainam na gamitin ang pondo sa mga proyektong makikinabang ang publiko, tulad ng evacuation centers, kaysa masayang sa mga kontrobersyal na proyekto gaya ng flood control scandal.

Dagdag pa ng Senador, panahon na ring amyendahan ang National Building Code na huling binago noong 1977 upang maging akma sa makabagong teknolohiya at mas matibay laban sa epekto ng climate change.

Isinusulong din niya ang Senate Bill No. 173 na naglalayong itatag ang Department of Disaster Resilience, isang Cabinet-level department na tututok sa disaster risk reduction, preparedness, response, at mabilis na pagbabalik sa normal na pamumuhay ng mga mamamayan.