Pinuri ng United States Agency for International Development (USAID) at Office of Civil Defense (OCD) ang naging kahandaan ng lokal na pamahalaan ng Tuguegarao City sa gitna ng magkakasunod na bagyong pumasok sa bansa nitong huling quarter ng 2024.
Ayon kay City Mayor Maila Que, masaya ito sa naging obserbasyon ng mga kinatawan ng Amerika at OCD sa kanilang pagbisita sa Lungsod.
Nakita aniya nila ang maayos na pre-disaster response at mitigation measures ng LGU sa naranasang malawakang pagbaha sa Lungsod.
Pero sa kabila nito, pinayuhan ng alkalde ang publiko lalo na sa mga low lying areas na maging handa sa magiging epekto ng paparating na bagyong Pepito.
Samantala, nagpapatuloy ang pamamahagi ng ayuda ng Pamahalaang Panlungsod sa mga apektadong residente sa ibat ibang barangay na inabot ng tubig baha.
Bukod dito, nakatanggap na rin ng relief packs ang ilang miyembro ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) na labis na naapektuhan ang kabuhayan dahil sa pagtigil ng kanilang pasada dulot ng magkakasunod na bagyo.