Tiniyak ni Health Assistant Secretary Albert Domingo na handa ang Pilipinas sa pagte-test at pagbabantay sa Nipah virus.

Ito ay matapos ang naiulat na outbreaks sa Bangladesh at India.

Sa isang panayam, sinabi ni Health Assistant Secretary Albert Domingo na ang naturang virus ay hindi naman bago.

May mga naitala na raw nito noong 2014 sa Sultan Kudarat kung saan 17 kaso ang naiulat.

Paliwanag ng DOH, ang sintomas nito ay gaya ng flu, ngunit para sa iba, posibleng makaranas ng encephalities at meningitis.

-- ADVERTISEMENT --

Nakukuha umano ito sa pagkain ng horse meat, at pagkakaroon ng contact sa isang may sakit.

Bagaman ang mga bats o paniki ang pinagmumulan ng virus, may ilang mga hayop din daw gaya ng baboy at kabayo na maaaring ma-infect.

Sa huli, sinabi ni Domingo na maaaring maiwasan ang Nipah virus sa pamamagitan ng pag-iwas sa mga paniki at hayop na may sakit.

Mabuti rin daw na kumain ng mga karneng aprubado ng National Meat Inspection Service, at lutuin nang maayos ang mga pagkain bago ito kainin.

Samantala, may ilang mga paliparan na sa Asya ang naghigpit ng kanilang seguridad para sa Nipah virus.