Tuguegarao City- Inaprubahang muli ng Tuguegarao City Council ang kahilingan ng Federation of Tricycle Operators Drivers Association (FETODA) na gawing dalawa ang pasahero ng bawat trycle na namamasada.

Kasabay nito ay inamyendahan ng City Council ang umiiral na ordinansa bilang tugon sa sinasabing mababang kita ng mga ito mula sa iisang pasahero lamang na kanilang naisasakay sa bawat biyahe.

Sa panayam kay City Councilor Reymund Guzman, hiniling din nila na gawing P40 ang pamasahe ng isang pasahero na galing sa mga lugar dito sa poblasyon ng lungsod.

Ngunit, nilinaw ni Atty Guzman na napagkasunduan na kung dalawang pasahero ang sasakay sa iisang tricycle ay paghahatian nila ang bayad at tig-P20 lamang ang ibabayad ng bawat isa sa kanila.

Paliwanag pa ng opisyal na kapareho ding panuntunan ang ipatutupad sa mga pasaherong manggagaling sa mga malalayong barangay dito sa lungsod na paghahatian ng dalawang pasahero ang itinakdang bayad sa pasahe.

-- ADVERTISEMENT --

Pagdidiin pa niya, kailangang maglagay ng plastic barrier ang mga drivers sa kanilang mga tricycle kung saan isang pasahero ang uupo sa likod ng driver at isa sa loob ng tricycle.

Sa mga commuters naman ay tiyakin ang pagsusuot ng face/mask shield at pagdadala ng mga alcohol bilang bahagi ng pag-iingat sa banta ng COVID-19.

Sakaling malagdaan na ito ni Mayor Jefferson Soriano anumang oras ngayong araw, Oktubre 28 ay agad ng ipatutupad ang nasabing panuntunan.

Samantala, sa isinagawang emergency meeting ng LGU Tuguegarao na pinangunahan ni Mayor Soriano katuwang ang iba pang mga concerned agencies ay napag-usapan din umano ang mga ilalatag na bagong panuntunan sa pag-isolate sa mga COVID-19 positive.

Paliwanag ni Atty. Guzman, halimbawang may nagpositibong miyembro ng isang pamilya ay agad na i-isolate ang mga ito upang hnd na kumalat ang virus.

Para aniya sa mga symtopmatic ay agad na dadalhin sa tanggapan ng CVMC habang ang mga asymptomatic na kamag-anak o kaibigan na nakasalamuha ng pasyente ay dadalhin sa mga nakatalagang isolation facilities ng lungsod.