Tuguegarao City-Inaprubahan ng Regional Inter-Agency Task Force (RIATF) ang kahilingan ng mga Local Government Unit (LGUs) na gawing pansamantalang quarantine facilities ang ilang mga paaralan sa rehiyon.
Ito ay matapos makipag-ugnayan ang nasabing tanggapan sa Kagawaran ng Edukasyon para sa mas epektibong tugon sa banta ng COVID-19.
Sinabi ni OCD Regional Director at RIATF Chief Implementer Dante Balao na pumayag ang DepEd na gamitin ang isa sa mga paaralan sa bawat munisipalidad bilang isolation facilities.
Ito aniya ay tatagal ng hanggang Disyembre 15.
Ayon kay Balao, dapat tiyakin ng mga local chief executive ang kalinisan at pagsasagawa ng disinection sa mga pasilidad upang matiyak na ligtas mula sa nakakahawang sakit.
Bukod dito ay mga LGUs din ang pansamantalang sasagot sa mga bayarin habang ginagamit ang mga paaralan na mapipiling isolation facilities.
Samantala, 23 munisipalidad na aniya sa rehiyon ang nagpahayag ng intensyon na gamitin ang isinusulong na health guard app para sa epektibong contact tracing.
Una na aniya itong ginagamit ngayon ng LGU Ilagan at inaasahang maeexplore pa nila ang paggamit para mas mapadali ang pagtukoy sa mga posibleng carrier ng virus.
Sinabi pa niya na ito ay libre at natitiyak naman na may privacy ang mga indibidwal na matutukoy sa pamamagitan ng application.