Tinanggihan ng Sandiganbayan ang motion for reconsideration na inihain ni Sen. Jinggoy Estrada na humihiling na i-dismiss ang kanyang kasong graft may kaugnayan sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam dahil sa kakulangan ng merito.
Hiniling ni Estrada na ibasura ang natitirang kasong graft laban sa kanya, kung saan iginiit niya na hindi lamang nabigo ang prosecution na patunayan ang scienter (knowledge or intent) element kundi nabigo din sila na ipakita na siya ang nag-award ng PDAF projects.
Bukod dito, sinabi ng senador na walang patunay na may alam siya tungkol sa PDAF scheme at nakipagsabwatan siya sa iba pang akusado sa PDAF projects.
Idinagdag pa ni Estrada na ang mga pirma niya sa mga dokumento sa mga proyekto ay hindi ebidensiya ng sadyang partisipasyon niya sa scam, na kinabibilangan ng paglalagay ng discretionary funds sa foundations na pawang mga peke.
Subalit, sa 22 pahinang resolusyon, sinabi ng Special Fifth Division ng Sandiganbayan na walang rason para baliktarin nila ang nauna nilang pagtanggi sa demurrer to evidence, ang mosyon na humihiling na i-dismiss ang kaso dahil sa kakulangan ng mga ebidensiya ni Estrada.
Idinagdag pa ng Sandiganbayan na ang pagbasura sa kasong plunder ni Estrada ay hindi nangangahulugan sa dismissal ng kasalukuyan na kasong graft laban sa kanya.
Sinabi ng Sandiganbayan noong Abril na nagawa ng prosecutors na ilatag na ang PDAF ni Estrada ay sistematikong ibinulsa, pinaghati-hatian ng mga akusado, at walang napunta sa sinabing benepisaryo ng PDAF-funded agricultural and livelihood programs.
Naipakita din ng prosecution na tumanggap umano ng “kickbacks” si Estrada mula kay businesswoman Janet Lim Napoles.