Tuguegarao City- Tinalakay sa joint committee hearing ng committee on peace and order at committee on laws ng panlalawigang konseho ang kahilingan ni Cagayan Governor Manuel Mamba na pumasok sa isang Memorandum of Agreement (MOA) sa Philippine Army upang bumuo ng Cafgu Active Auxiliaries 2 (CAA 2).

Ang CAA 2 ay layuning matutukan at mabantayan ang mga hotspot area sa Cagayan kung saan nakakapagtala ng pag-atake ng mga NPA gaya ng panununog ng kagamitan ng gobyerno at pananabotahe sa mga itinatayong proyekto maging ang recruitment activities ng mga makakaliwang grupo.

Sa panayam kay Ex-Officio Board Member Maila Ting-Que, chairman ng Committee on Peace and Order, sakaling maaprubahan ng sangguniang panlalawigan ay lalong mapapalakas ang puwersa ng mga otoridad sa pagbabantay.

Nakapaloob sa ilalim ng Memorandum of Agreement ang isang taong panunungkulan ng mabubuong grupo na pangangasiwaan ng kasundaluhan.

Sakali man na wala ng mga insidenteng maitatala sa mga lugar kung saan madedestino ang mga ito ay kahit hindi na matapos ang isang taon ay maaari nang buwagin ito.

-- ADVERTISEMENT --

Aniya kailangang mabusisi ito ng husto dahil maglalaan ng pondo ang Pamahalaang Panlalawigan para sa allowance ng itatalagang 88 miyembro ng CAA2.

Paliwanag ni Que, magiging katuwang sa pagpili ng mga magiging miyembro ng grupo ay ang kasundaluhan sa pamamagitan ng kanilang mga rekomendasyon.

Aniya, bubusisiing mabuti ng dalawang komite ang MOA upang masigurong hindi maaabuso ang kapangyarihang ibibigay sa mga mabubuong grupo ng CAA2.

Umaaasa naman si Que na aaprubahan ito ng provincial board upang malagdaan ni Gov. Mamba at iaakyat pa ang pagdinig at desisyon sa National Government.