Natuklasan ng NASA ang mga kakaibang bato sa Mars na maaaring pinakamalinaw na ebidensya ng sinaunang buhay sa “red planet.”
Natagpuan ng Perseverance Rover ang tinatawag na “leopard spots” at “poppy seeds” na mudstone sa tuyong ilog ng Jezero Crater — isang lugar na pinaniniwalaang dating lawa milyun-milyong taon na ang nakalipas.
Ayon sa mga eksperto, posibleng nabuo ang mga mineral sa mga batong ito dahil sa chemical reactions ng putik at organic matter — isang proseso na karaniwang konektado sa mikrobyo sa Earth.
Dahil dito, tinuturing ng NASA ang mga ito bilang “potential biosignatures” o posibleng senyales ng buhay.
Bagama’t maaari ring natural lang ang pagkakabuo ng mga mineral, sinabi ng mga eksperto na nangangailangan ito ng mataas na temperatura na hindi nakita sa mga batong sinuri.
Naipadala na sa Earth ang data mula sa Perseverance, ngunit hinihintay pa ang Mars Sample Return Mission para masusing pag-aralan ang mga aktwal na bato.
Samantala, naghahanda rin ang China na maglunsad ng sarili nilang Mars sample return mission sa 2028.